Lunes, Agosto 15, 2016



Isang larawan ni José Rizal, Pambasang bayani ng Pilipinas.



Pangalan:                                           Dr. Jose Protacio Rizal Mercado y
                                    Alonzo Realonda
Kapanganakan:                                Hunyo 19, 1861
Lugar ng kapanganakan:                Calamba, Laguna
Kamatayan:                                       Disyembre 30, 1896
(edad 35)
Lugar ng kamatayan:                       Bagumbayan (Luneta ngayon)
Maynila
Pangunahing organisasyon:             Kilusang Propaganda
La Liga Filipina
Pangunahing monument:                 Liwasan Rizal

Naisipan ni Rizal ang pagtatayo ng isang organisasyong kinabibilangan ng mga Pilipino noong siya ay nasa Hong Kong. Ang samahang “La Liga Filipina”. Layunin nito ang pagkakaroon ng reporma sa pamamagitan ng legal na pamamaraan. Ang pangunahing kasapi ng samahang ito ay sina Deodato Arellano, Andrés Bonifacio atApolinario Mabini. Napagtanto ng kinauukulan ng Espanya ang hatid nitong panganib sa pamahalaang kolonyal. Noong Hulyo 6, 1892, apat na araw pagkatapos ng pagkakatayo ng La Liga Filipina, lihim na inaresto si Rizal.Nang sumunod na araw, ipinag-utos ni Gobernador-Heneral Eulogio Despujol ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan.

                                                                                                                       Larawan ng pagdating ni Rizal sa Dapitan
Ika-15 ng Hulyo, 1892 dumating sa Dapitan si Rizal at iniutos ng gobernador na patirahin siya sa kumbento ng mga Heswita. Dala ni Rizal ang sulat ni Padre Pablo Pastells, ang superior ng mga Heswita, para kay Padre Antonio Obach, ang paring Heswita sa Dapitan, ngunit ang pagtira ni Rizal sa kumbento ay may kalakip na kodisyon. Una, tatalikdan at pagsisisihan ni Rizal ang kanyang mga sinabi laban sa relihiyong Katolika at maghahayag siya ng mga pagpapatotoong iniibig niya ang Espanya at kinalulupitan niya ang mga kagagawang laban sa Espanya. Ikalawa, bago siya tanggapín ay gagawa muna siya ng mga “santo ejercicio” at “confesión general,” ng kanyang dinaanang buhay. At ikatlo, sa haharaping panahon ay magpapakagaling ng asal, na ano pa’t siya'y maging uliran ng iba sa pagka masintahin sa relihiyong Katolika at sa Espanya. Dahil hindi siya pumayag sa mga kondisyon, pansamantala siya tumira sa kuwartel na pinamumunuan ni Kapitan Carcinero na kanyang naging kaibigan.

Apat na taon namalagi si Rizal sa Dapitan. Ang perang nakuha niya sa pagkapanalo sa Manila Lottery at sa pagtatrabaho bilang magsasaka at isang negosyante ay nagamit sa pagbili ng isang lupain sa Talisay, malapit sa Dapitan. Dito sa lupa ay nagtayo siya ng tatlong bahay na gawa sa kawayan, kahoy at nipa. Nakatira sa unang bahay si Jose Rizal at ang hugis nito ay parisukat. Nakatira naman sa pangalawang bahay ang mga mag-aaral ni Jose Rizal. Ito ay hugis oktagon dahil mayroon itong walong bahagi. At ang panghuli, gumawa si Jose Rizal ng isang tirahan para sa mga alaga niyang manok. Ito ay hugis heksagona, may anim na bahagi o parte.


Larawan ng sinaunang bahay noong panahon ni Rizal sa Dapitan

Nagtrabaho si Rizal sa Dapitan bilang isang manggagamot. Ang kanyang mga pasyente ay mga mahihirap na walang kakayahang magbayad at mga mayayaman na nagbabayad ng malaki sa kanyang panggagamot. Dito rin ginamot ni Rizal ang kanyang ina nang ito ay tumira ng halos isa’t kalahating taon. Nakilala ang kahusayan ni Rizal sa panggagamot. Sinasadya siya ng mga pasyente mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Naging interes din ni Rizal ang mga lokal na halamang gamot. Inumpisahan din niya ang ilang proyektong pangkomunidad sa Dapitan, ang pagpapatayo ng sistemang patubig upang magkaroon ng malinis na tubig sa bawat bahay ng Dapitan, paglilinis ng mga latian upang mawala ang malaria, paglalagay ng pailaw sa lansangan ng Dapitan at pagpapaganda ng liwasan, at ang paglalagay ng mapa ng Mindanao sa plasa.

Proyektong patubig sa Dapitan

Naging masaya ang paninirahan ni Rizal sa Dapitan. Ang mahabang panahong ito ay ginamit din niya sa pagtuturo ng mga kabataan sa Dapitan. Tinuruan niya ang mga ito ng mga aralin sa wika, heograpiya, kasaysayan, matematika, gawaing industriyal at iba pa. Ilan sa mga Agham na iniambag ni Rizal ay ang pagpasok niya sa mga kagubatan at baybay dagat ng Dapitan para sa paghahanap ng mga specimen upang ipadala sa mga museo ng Europa. Nakapag-ipon siya ng 346 na uri ng mga kabibi at natagpuan niya ang species ng Draco rizali, Apogonia rizali at Rhacophorus rizali.

Ipinagpatuloy ni Rizal ang pag-aaral ng iba’t ibang wika sa Dapitan. Natutunan niya ang wikang Bisaya, Subuanin, at Malayo. Ang kahusayan sa larangan ng sining ay makikita pa rin kay Rizal sa panahon ng pagkakatapon niya sa Dapitan. Gumuguhit siya ng mga bagay na nakaakit sa kanya at nililok niya ang Paghihiganti ng Ina, ang ulo ni Padre Guericco, at estatwa ng isang babaeng taga-Dapitan.

            Nagpakita din ng angking pagkamalikhain si Rizal sa Dapitan sa pamamagitan ng paglikha ng mga sulpukan, isang pagsindi ng sigarilyo na gawa sa kahoy at makina sa paggawa ng bricks.

                                          Larawan ng lupain ni Rizal sa Dapitan
Ginamit din ni Rizal ang kanyang panahon sa Dapitan bilang isang magsasaka. Umabot ng 70 hektarya ang lupang kanyang pag-aari na tinaniman niya ng abaka, niyog, punong kahoy, tubo, mais, kape, at cocoa. Ginamit nya rin ang modernong pagsasaka sa pamamagitan ng pag-aangkat sa Estados Unidos ng mga makabagong makinarya. Ang pagnenegosyo ay isa sa mga naging gawain ni Rizal sa Dapitan. Nakipagsosyo siya kay Ramon Carreon, mangangalakal na taga-Dapitan, sa negosyo ng pangingisda, koprahan at abaka. Itinayo rin nya ang kooperatiba ng mga magasasaka sa Dapitan upang mabawasan ang monopolyo ng mga Tsino sa lugar. 

Sa pananatili ni Rizal sa Dapitan sa loob ng apat na taon, unti-unting umusbong ang Rebolusyong Pilipino na kinalaunan ay nagpahamak sa kanya. Bagaman tutol siya sa himagsikan, ginawa siyang pandangal na pangulo ng mga kasapi ng Katipunan at ginamit din ang kaniyang pangalan bilang sigaw sa digmaan, pakikipag-isa at kalayaan.